Nakapanghihina, nakapangingilabot, at higit sa lahat, nakakagalit ang pamamaril na ginawa ng isang pulis sa mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25.

Kinilala ang pumatay sa mga biktima bilang si Police Staff Sergeant Jonel Nuezca, 46.

Nangyari ang karumal-dumal na pagpatay sa mga biktima sa Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac, kahapon, December 20.

Malinaw na nakunan ng video ang insidente na viral na ngayon.

Matibay itong ebidensiya laban sa brutal na pagpatay ni Nuezca, na residente rin ng Barangay Cabayaoasan pero nakadestino sa crime laboratory ng Parañaque City Police.

Joel Nuezca And The Victims 1608517836 Ctslover

Police Staff Sergeant Jonel Nuezca (left), and Sonya Gregorio and son Frank Anthony Gregorio (right)

Sa panayam ng GMA News kay Police Lieutenant Colonel at chief of Parañaque Police Station Noriel Rombaoa, sinabi nitong nagsimula sa paputok ang kaguluhan dahil pinuntahan ni Nuezca ang mga biktima para sitahin.


Nauwi sa pagtatalo ang pag-uusap ng magkabilang panig dahil naungkat ang matagal nang alitan nila tungkol sa right of way.

Makikita sa viral video ang pagsusumamo ng mga saksi kay Nuezca na maghunos-dili, pero point blank niyang binaril ang mag-ina matapos sumigaw ang kanyang batang anak na babae na “My father is a policeman!”

Bukod sa pagsigaw na pulis ang kanyang ama, sumali ang bata sa pananakit kay Sonya habang ibini-video niya ang nagaganap na kaguluhan.

Matapos ang pamamaril, tumakas si Nuezca, sakay ng motorsiklo. Pero makalipas ang ilang oras, sumuko siya at nagsabing pinagsisisihan niya ang pamamaril na ginawa.

Malayong-malayo ito sa kanyang inasal na walang-wala sa lugar na katapangan, walang katwiran, saksakan ng yabang dahil armado siya ng baril.

Mabilis na kumalat sa buong mundo ang video ng krimen kaya hindi nakaligtas si Nuezca at ang anak nito mula sa matinding galit at paghuhusga ng mga tao.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here